Engr. TaRuGo wrote:

Heto ang KAPAYAPAAN na alam natin, noong wala pang KAUNLARAN…

Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan; Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay, kung meron, gumamela lang; 10 sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon;

Merong free ang mga patpat ng ice drop: buko man o munggo. Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Sir / Mam: Di binibili ang tubig, pwedeng maki-inom sa di mo kakilala.

Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa Pandong o di kaya sa Pautugan;

Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal’s office o di kaya ay sa Guidance (buti na lang may pusong mamon si Mrs. Oblena). Malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams; Simple lang ang pangarap: makatapos, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak…

Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala; wala namang lock ang mga jeep na Willy’s noon.

Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: trak-trakan (gawa sa rosebowl ang katawan at Tibig ang mga gulong, "sketeng" (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno; patining na pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna para suotan ng pisi (pwede pang makipag-lagutan); sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp. Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: kasi laro nga iyon.

Maraming usong laro at maraming kasali: laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata, pera namin ay kaha ng Philip Morris, Chesterfield, Malboro, Champion (kahon-kahon yon!) Andito na rin ang madalas na pagutos ng inana na bumili ng 25 sentimos na sigarilyong Magkaibigan.

May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli ng tutubi, nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo; Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas - suot mo. Namumugalgal ang pundiya ng kansolsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa.

Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology… di ba minsan nangarap ka na rin… mas masaya noong araw! Sana pwedeng maibalik…

Takot tayo ngayon sa buhay. Kasi maraming napapatay, nakikidnap, maraming addict at masasamang loob…Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola. Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kayat ayaw tayong mapahamak o mapariwara… Na una silang nasasaktan pag pinapalo nila tayo…

Balik tayo sa nakaraan kahit saglit…Bago magkaroon ng internet, computer, at cellphone. Noong wala pang mga drugs at malls. Bago pa nauso ang counter strike at mga game boy.

Tayo noon… Doon… Tinutukoy ko ang Sipa Lata o tumbang preso kapag maliwanag ang buwan; Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka ng nakakatakot sa "Mga Aninong Gumagalaw". Unahan tayong sumagot sa Multiplication Table kay Mrs. Bituin na kabisado natin; kasi wala namang calculator.

Ang pag-akyat natin sa mga puno ng katmon; Pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama…ngek papag yata….Pagsalok sa talaga sa linang; pingga ang pang-igib ng lalake at may dikin naman ang ulo ng babae;

Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok- mindoro o buntot-page. (SLN Mr. Parde….tamalis kalibatan)

Nai-sako ka rin ba? O kaya naglagay ka ba ng karton sa pwet para hindi masakit ang latay ng tsinelas o sinturon?

Pamimili ng bato sa bigas; tinda-tindahan na puro dahon naman; bahay- bahayan na puro kahon; naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw? Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga; pagtawa hanggang sumakit ang tiyan; Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong? O kaya ng lukaok, susuwi at espada?

Susmaryosep ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata…Estigo santo kapag nagmamano. Mapagod sa

kakalaro, minsan mapalo; matakot sa "berdugo" at sa "kapre"; Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni itay kasi may tinola!

Yung crush mo ehemm..balikan ko kaya siya…? Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay - pinagong, munay anlang o biscocho? Pwede rin ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya choc-nut o karamel;

Puriko ang mantika pero kalimitan ay langis ng niyog. Mauling na ang mukha at ubos na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magpa-rikit ng apoy. Madami pa…Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan; ang tuyo o kabasi pag isawsaw sa sukang may siling labuyo; ang Lipute kapag inalog sa asin (mas masarap pag may uod).

Ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin… Halo-halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog;

Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli. Naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan.

Lipstick mo ay papel de hapon; Labaha ang gamit para sa white-side- wall na gupit ng Matsay o Siyano; Nagtutupi ka ng banig pagkagising; matigas na amirol ang mga punda at kumot; madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon, di ba? Pwede rin sa laylayan…

May mga program kapag Lunes sa paaralan; May Upli kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka ng desk.

Di ba masaya? Naalala mo pa ba? Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na yon…Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyon…

Di ba noon…

Ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?" Pag ayaw ang resulta di ulitin: "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?"…

Awit muna: Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen. How how the carabao batuten.. Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinaka-mayaman; (magaling ba ako noon, ah ewan di ko na maalala).

Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti; Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras tayo sa isat-isa; Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka; kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen.

Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo. Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo; meron tayong skyflakes at Royal sa tabi.

Kung naaalaala mo ito… nabuhay ka na sa KAPAYAPAAN! Pustahan tayo nakangiti ka pa rin!

Kung naka-relate ka sa lahat ng nabanggit sa itaas, ibig sabihin lang niyan ay…………

MATANDA ka na! he he he…