Ang pamahiin ay isang gabay o batayan na sa tamang paggamit ay maaring magbigay ng magandang kapalaran, lakas ng loob o dagdag na paniniwala mo sa iyong sarili.  Ang mga taga Cavinti, tulad ng ibang mga Filipino ay maraming mga pamahiin. Ang mga pamahiin ay napakalawak ng nasasaklaw sa ating pamumuhay, simula sa panganganak, sa pagdadalaga o pagbibinata ng isang nilalang, sa kasalan at sa oras ng kamatayan.  At hanggang ngayon, marami pa rin sa mga taga atin ang naniniwala sa mga pamahiin. Ngunit hindi tayo nakasisiguro na ang mga ito may kabuluhan at makatutulong sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Sa katotohanan, wala namang mawawala sa atin kung susunod tayo o hindi sa mga pamahiin. Kaya sa huli, nasa sarili pa rin natin ang pagpapasiya kung susundin natin o hidi ang mga pamahiin.

Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa maraming pamahiin na pinaniniwalaan ng  mga taga Cavinti. Alin ang kapanipaniwala at alin ang magdadala ng suwerte o kamalasan? Nasa iyo ang pagpapasiya.

1. Susuwertehin ka kapag ang una mong makakasalubong sa araw ng Bagong Taon ay lalaki, samantalang mamalasin ka kung babae ang una mong makakasalubbong.

2. Buenas ang iyong bahay kapag ito ay nakaharap sa gawing silangan o sinisikatan ng araw.

3. Mahigpit na ipinagbabawal ng matatanda ang magtanim ng papaya sa harap ng inyong bintana dahil ito ay maghahatid ng kamalasan.

4. Sa mga nakakapulot ng barya sa daan, huwag itong gastahin. Itago lamang ito upang maging maluwag ang pagpasok ng salapi sa iyo.

5. Huwag ilagay ang iyong pitaka o ‘handbag’ sa sahig. Pag ginawa mo ito, hindi ka magiging maunlad.

6. Huwag kang magwawalis ng sahig kung gabi. Kapag ginawa mo ito, mawawala lahat ang iyong kayamanan.

7. Kapag pinagligpitan mo ng mga plato ang isang dalaga habang siya ay kumakain sa mesa, siya ay mananatiling dalaga habang buhay.

8. Hindi dapat magpakuha ng larawan ang babaeng buntis; ito ay magiging sanhi ng pagkamatay ng bata sa araw ng kanyang pannganganak.

9. Kapag nakakita ka ng bubuyog sa loob ng iyong bahay, ito ay maghahatid ng kayamanan at suwerte sa mga nakatira sa bahay.

10. Kung ikaw ay naliligaw sa iyong paglalakad, baligtarin mo ang iyong damit at makukuha mo ang tamang daan.